Alamat ng Sampalok
Sa isang komunidad ay amy matapobreng donyang sobra sa sungit. Wala itong kinikilalang kapitbahay. Kailangang lagi mo siyang tinatawag na donya upang hindi ka niya ingusan at sigaw-sigawan.
Kapag may kalamidad tulad ng bagyo, sunog, o lindol na lubhang nakaapekto sa mga kapitbahay ay wala siya isa mang tinutulungan. Ang lahat ng kayamanan ay kanyang iniingatan. Gusto niyang lagi itong nadadagdagan upang mapanatili raw niya ang kasaganaan habambuhay.
Sa kawalan ng puso ng donya ay malayo ang damdamin ng mga kababayan niya. Kapag bumababa sa malapalasyong bahay at sumakay sa ipinagyayabang na karwahe ay parang wala siyang sinumang nakikita. Para sa kanya pinakamayaman siya at pawang maralitang dapat tapak-tapakan ang lahat na.
Sa panunuod ng mga sarsuela sa plaza ay kailangang ipagdala siya ng silya ng mga katulong na inaapi-api niya. Gusto niyang pag-usapan ng lahat ang bago niyang baro at saya.
Sa pagsisimba sa kapilya gusting-gusto rin niyang sa harapan siya nakikita. Laging may dalawa siyang katulong na nagsasalit magpaypay sa kaniya. Kapag bigayan na ng abuloy sa simbahan ay parang bulag siyang walang nakikita. Ayaw niya kasing mabawasan kahit katiting ang iniingatang kayamanan na hindi naman niya madadala sa libingan.
Kapag nagdadaan ang prusisyon sa lansangan ay makikitang buong rangyang nagliliwanag ang malalaking bintana ng donya. Ngingisi-ngisi siyang nanunungaw na para bang nagpapahayag sa lahat na tanging ang bahay niya ang pinakamalaki at pinakamaganda na dapat tingnan lamang at kaingitan.
Iyan ang donyang makasarili at mayabang. Walang panahon sa mga kapitbahay at tuwang-tuwang nakauungos sa lahat ng bagay.
Isang tanghali ay galit nag alit ang donya sapagkat nagambala ng nagkakaingay na mga bata ang prenteng-prenteng pagtulog niya. Sumagsag siyang pababa. Nakita niyang nag-aagawan ang mga bata sa mga buto ng halamang ipinamimigay ng isang matandang pulubi.
"Hoy pulubi! Bakit mo ipinamumudmod ang mga butong iyan sa oras ng pagtulog ko ha?" nanggagalaiting tanong ng ganid na donya.
"Pa...pasensya na po kayo. Hindi ko po alam na natutulog kayo," pagmamakaawa ng pulubi.
"Pasensya, naistorbo mo na ang pagtulog ng reyna ngayon ka pa magdidispensa? Hoy mga bata, huwag na huwag kayong mag-iingay sa harap ng bahay ko oras-oras, minu-minuto. Kung hindi ay matitikman ninyo ang galit ko!" asar na sigaw ng donyang walang pinahahalagahan.
Napaurong ang nanginginig na mga bata nang paghahablutin ng donya ang matitigas na butong tangan-tangan nila.
"Dahil sa mga batang ito nagising tuloy ako. Sige mabahong pulubi, lumayas ka na!. Kay rin mga pesteng bata kayo, umalis kayo sa harap ko!. Alis ngayon din, pronto!"
Nang mapag-isa ang mapang-aping donya ay galit na galit na itinapon nito ang mga buto sa bakuran.
Isang lingo lang ang lumipas ay nagulat ang donya nang matanaw niya sa bakuran ang naglalakihang mga halaman. Natitiyak niyang ang mga iyon ang mga butong ipinamahagi ng pulubi sa mga bata.
Hindi nagtagal ang mga halaman ay naging matataas na puno. Takang-taka ang donya nang mamunga ang mga ibinato niyang mga buto. Pagkatatamis at matuwid na matuwid ang mga bunga ng mga punong may malalabay na mga sanga.
Isang hapong masayang pinagmasdan ng donya ang mga punong hitik sa bunga ay nasulyapan niya ang nakagalitang mga bata na titinga-tingala.
"Pwede po bang makahingi?" gutom na nakikiusap ang mga bata.
"Ano, pahingi? Ako ang nagtanim at nagdilig bakit kailangang manghingi kayo? Mga walang modo! Parang wala kayong mga magulang na nagtuturo sa inyo. Umalis kayo ngayon dito. Bilisan ninyo!"
Upang mapabilis ang pagpapaalis ay kumuha ng timba ng tubig ang donya. Humahalakhak na pinagbabasa nito ang mga paslit na bata na ginaw na ginaw at lubhang kaawa-awa.
Sa di kalayuan ay biglang sumulpot mula sa kawalan ang uugud-ugod na pulubi. Alam niyang nagmamalabis na naman ang donya kaya napilitang lumapit siya. Nagmakaawa siyang bigyan man lang siya ng kahit ilang bunga ng mga punong nagsitubo sa malawak na bakuran.
"Hoy pulubi heto ka na naman. Dati ay inistorbo mo ako sa pagtulog. Ngayon nama'y humihingi ka ng ipagtatawid gutom. Ayokong makita ang pagmumukha mo. Lumayas ka, layas!"
Hindi tuminag sa pagkakatayo ang matanda.
"Sobra ka na! Ang nagugutom ay dapat mong pakainin. Ang nauuhaw ay dapat mong painumin!"
"Kahit kumpul-kumpol ang matatamis na bunga ng mga punong ito ay ipagdadamot ko sa iyo. Wala akong pakialam kung magutom ka man. Ang mahalaga ay kinaiinggitan ng lahat ang mga punong tumubo sa aking bakuran."
"Ka...kahit na isa man lang. Kaawaan mo na ang isang matandang katulad ko na hilahod na sa gutom."
"Kahit na kaputol ay di kita bibigyan. Manigas ka riyan sa gutom."
Akmang papanhik na ang donya nang biglang habulin ng pulubi ang nahuhulog na kumpol na mga bunga.
Sa sobrang galit ng donya ay sinundan kaagad nito ang yuyuko sanang pulubi. Hinablot ng matapobre ang braso ng matanda at isang malakas na sampal ang pinadapo nito sa kaliwang pisngi ng pobre. Ang lakas ng sampal ay ikinatumba at ikinasadlak ng pulubi sa maalikabok na bakuran ng gahaman.
Nanginginig na tumindig ang pulubi at sa isang marangal na tinig ay nangusap, "Kaawa-awa ka Petronila." Takang-taka ang donya pagkat alam ng pulubi ang tunay na pangalan niya. "Pulubi nga ako pero busilak naman ang puso ko. Ang ibinibigay ko lamang ay anumang aking nakakayanan. Ang mga buto ng halamang namumunga sa iyong bakuran ay mga butong nakaya kong ihandog sa mga pobreng batang tumulong sa akin upang makatawid ako sa tulay na baging na natatanaw mo mula rito. Mga buto lang iyan na pinagkaguluhan at pinagkatuwaan lang nilang paghati-hatian. Mga butong inagaw mo sa kanila na ngayong namunga ay ipinagkait mong hatian sila. Isinusumpa kong magiging maasim ang bunga ng punong iyan. Matuto ka sanang magpakababa sapagkat mamamatay din tayo at ang lupang tinutuntungan natin ay siya ring lupang sa atin ay maglilibing."
Pagkasabi nito ay tumalikod na ang matanda. Kinabahan ang donya lalo na nang ang mga bunga ng mga punong nasa harap ay nagsiurong at nagmistulang ga daliring nanduduro.
"Lo...lola patawarin ninyo ako," lumuluhang sabi ng mapagmataas na donya. Pero kahit na anong alok na ihain ay hindi na lumingon pa ang pulubing tila magliliwanag ang katauhan sa mataos na kabaitan.
"Sinampal mo ako tapos inalok?" gumagaralgal pa rin ang tinig ng pulubi na sa isang iglap ay nagging liwanag na nakasisilaw. Nang mawala sa harap niya ang matanda ay napaluhod ang donya sa malaking misteryong naganap sa kanya.
Sapagkat sumampal tapos ay nag-alok, ang prutas na umasim mula noon ay tinawag nang Sampal-Ok na sa paglipas ng mga taon ay naging Sampalok. Diyan nagsimula ang alamat ng Sampalok.
No comments