ads1

  • Breaking News

    Pinagmulan ng mga Planeta..


    Nang ang unang tao ay sumipot sa mundo, mga dalawang milyong taon na ang nakararaan, may mga 14,988,000,000 taon na ang edad ng sandaigdigan. Ang mundo naman ay mga 4,498,000,000 taon na.

    Libu-libong taon na ring gumagapang ang mga bulati, lumulundag ang mga palaka, tumutubo ang mga kabute, at lumalangoy ang mga isda. Subalit walang isa man sa mga ito ang nag-abalang tumingala sa kalawakan upang itanong kung paano ginawa at sino ang gumawa ng lahat ng kanyang nakikita.

    Ang tao lamang. Na napakaraming katanungan.

    Ang walang katapusang mga katanungang ito tungkol sa mga bagay na nakikita sa kalawakan at kapaligiran ang siyang naging dahilan upang magmasid, mag aral, at magbuo ng mga haka-haka at kuru-kuro ang tao.

    Mga 1,300 taon pa bago isilang si Kristo (B.K), abala na ang mga tao (ang pasimuno ay ang mga Intsik o Tsino) sa pagmamasid sa galaw ng araw at buwan at sa posisyon ng mga bituin sa langit. Pagkalipas pa ng ilang daang taon, nagkaroon na rin ng seryosong interes ditto ang mga Babylonian sa Mesopotamia (lumang pangalan ng Irag), at ang mga taga Egipto.

    Hindi nagtagal, naakit na ring pag-aralan ang kalawakan ng mga Griyegong tulad nina Pythagoras, Heracleides, Aristarchus, Aristotle, at Ptolemy. Dalawa sa kanila, sina Aristarchus at Aristotle, ang nakabuo ng magkasalungat na teorya tungkol sa mga planeta. Ang sabi ng una ay ang araw ang iniikutan ng mga planeta; ang sabi naman ng huli ay ang planetangdaigdig ang siyang sentro ng buong sandaigdigan. Dito raw umiikot ang iba pang mga planeta, pati na ang araw.

    Sa pamamagitan ni Ptolemy- na sang ayon sa teorya ni Aristotle- lumaganap ang ikalawang paniniwala sa loob ng maraming taon. Nagsimula lamang masira ang paniwalang ito nang dumating ang isang taga-Poland na nagngangalang Nicolaus Copernicus (Mikolaj Korpernik). Tulad ni Aristarchus, naniniwala si Copernicus na ang araw ang sentro ng sandaigdigan at iniikutan ito ng mga planeta kasama na pati ang daigdig. Ang paliwanag ni Copernicus tungkol sa galaw ng mga planeta ay higit na naging popular sapagkat, di tulad ng naunang paliwanag ni Ptolemy na salungat sa nakikita ng mga astronomo sa kalawakan, tumugma ang teorya ni Copernicus sa maraming obserbasyon ng ibang tao.



    Si Copernicus ay sinundan pa ng ibang magagaling at napabantog na mga astronomong tulad nina Galileo ng Italya, Isaac Newton ng Inglatera, Tycho Brahe ng Denmark, Johannes Kepler ng Alemanya, Edwin Hubble ng Amerika at iba pa. Ang iniambag ng mga nabanggit sa siyensya ng astronomiya ay nakatulong nang malaki sa paglinaw ng mga bagay-bagay tungkol sa kalawakan.

    Mula sa mga galaw ng mga planeta, nabaling naman ang pansin ng tao sa paghahanap ng sagot kung paano nabuo ang Daigdig, pati na ang ibang mga planeta at bituing bumubuo sa sandaigdigan.




    Share your thoughts, reactions, and opinions in the comments section below!

    No comments

    Post Top Ad

    Post Bottom Ad